Jean Barrosa, a sewing supervisor who used to be called Simang
(for simangot, the Filipino word for frown) by workers on the lines she
supervised, shared the following story of how the Lord transformed her into a
cold-hearted boss into a caring one, at the 22nd annual membership meeting of
the Center for Community Transformation Group of Ministries in March 2014. To read Jean's testimony in English, please click HERE.
Magandang gabi po sa lahat! Isa pong karangalan ang
mapiling tumayo sa harap ninyo upang i-share ang pagbabagong nangyari sa
buhay ko buhat ng tangapin ko ang ating Panginoong Jesus sa aking buhay.
Ako po si Jean S. Barrosa, sewing supervisor po ng Covenant
Community Service Cooperative sa Dasmarinas, Cavite. Forty-nine years old
na po ako at 21 years na po kaming kasal ng asawa kong si Marlon. Biniyayaan po
kami ng Diyos ng dalawang anak.
Galing po ako sa mahirap na pamilya kaya naging
masikap po ako sa aking pag-aaral upang makaahon sa kahirapan. Pero hindi rin
po ako nakatapos ng kolehiyo dahil sa kakapusan. Nineteen years old po ako nang
mag-umpisang magtrabaho sa garment factory. Naging konektado po ako sa
ibat-ibang malalaking kompanya bago mapasok sa Hoffen Industries bilang sewing
supervisor.
Pinilit kong ayusin at mahalin ang trabaho ko para sa
kinabukasan ng pamilya ko. Naging obssessed ako sa mga posisyong hinawakan ko.
Hangang sa hindi ko na nalalaman na wala na pala sa lugar ang pag-uugali ko.
Lahat na po yata ng negatibong adjective ay naikabit na sa pangalan ko:
masungit, dragon, tigre, walang puso. Sa isang company nga po,
‘Simang’ ang ibinansag sa akin dahil di po ako marunong
ngumiti.
Wala po talaga akong konsiderasyon sa mga kasamahan ko.
Naging palaban ako basta alam kong nasa tama ako. Iyon po ay sa
paghahangad kong baguhin ang takbo ng buhay ko.
Kumikita nga po ako ng maayos pero lagi pa ring kapos.
Madaming problemang dumadating sa pamilya ko lalo na sa aming kalusugan.
Nagkaroon po ako ng problema sa matres. Ilang beses po akong niraspa
hangang sa kinailangang magpaopera upang alisin ang matres ko. Kasabay nito ay
nawalan pa ng trabaho noon ang asawa ko.
Doon ko po naranasang halos di ko na alam kung paano makaka
survive. Halos nawalan na ako ng pananampalataya. Tinatanong ko na ang Dios
kung bakit nangyayari ito samantalang nagsisikap naman ako. Lalo na po akong
tagtanong ng hindi nagtagal ay nagsara ang Hoffen Industries. Ang perang
ibinayad sa akin ay naging pambayad ko lang sa mga naging utang ko.
Ang Hoffen ay pagmamay-ari ng isang board member ng CCT.
Salamat sa Panginoon na nagpasya siya na magbukas ulit sa pamamagitan ng
kooperatiba sa tulong ng CCT. At nag start nga po kami sa pamamahala
ng Covenant Community Service Cooperative o CCSC.
Naging kakaiba po ang pamamalakad ng CCSC na talagang
hindi ko ma adopt noong una. May Spiritual Development -- kailangan kong
pumasok ng maaga for morning devotion. Naging negatibo po ang aking naging
pagtanggap. Itinuring ko itong isang malaking abala dahil dapat start na ng
trabaho pero di pa sila tapos mag dasal. Lalo na po nang mag-umpisa ang mancom
meetings tuwing Miyerkules. Tumatagal ang meetings na ito ng two to three
hours. Nahihirapan po talaga silang kombinsihin akong umattend. Kailangan
pa nila akong sunduin sa production area, lalo na kapag may mga hinahabol akong
shipment. Pero unti unti, na mimiss ko na ang meetings, lalo na ang sharing ng
Word of God.
At dumating po ang araw na tinangap ko na po ang ating
Panginoong Jesus sa puso ko. Noon ko napatunayan na wala pala akong sapat
na kakayahan kung wala Siya sa buhay ko. Marami na akong naririnig
na pangako buhat sa Kanya. Conservative po akong tao, pero
kumakanta na pala ako at sumasayaw para sa Panginoon.
Marunong na rin po akong ngumiti na dati ay naging napakahirap
para sa akin. At higit sa lahat natututo na akong magmahal at magbigay ng
unconditional love sa pamilya ko at mga kasamahan ko sa trabaho. Mahigpit pa
rin po ako sa trabaho pero nagtatrabaho na po pala ako ng may puso.
Nakakaramdam na po ako ng guilt kapag naka sigaw ako ng tauhan ko.
Unti-unti, na realize ko na nababawasan na ang aking mga
alalahanin. Naranasan ko ang walang tigil na agos ng blessing mula sa Kanya.
In less than two years time po nakabili po ako ng bagong bahay sa
isang maayos na subdivision, nakapundar po ako ng dalawang sasakyan na
ginagamit ng asawa ko sa kanyang negosyo, at nailipat ko po ang aking dalawang
anak sa magandang eskwelahan.
Tumangap na rin po sa ating Panginoon ang aking bunsong anak
isang lalaki na graduating na ngayon sa isang Christian school. Ang akin pong
asawa ay isa na ring CCT partner at kasalukuyang uma-attend ng Bible study sa
aming lugar at hopefully ay tatangap na rin kay Jesus. Talaga pong kay buti ng
Dios!
Inihanda Niya rin ako sa mga pagsubok na syang
nagpapatatag sa akin. Six months ago po ay nagtanan ang aking anak na panganay.
Third year college lang po sya at naging napakasakit po ito para sa pamilya ko.
Hangang ngayon po ay di pa siya bumabalik pero may communication na po kami.
Pangako po nya na babalik siya after siyang manganak. So isang
bagong role na naman po ang aking haharapin dahil one month from now ay
magiging lola na ako at talaga pong excited na ako. Dalangin ko po ngayon ay
ang pagkalinga Niya sa anak ko, at sana’y matangap na rin ng asawa ko ang
nangyari sa aming panganay. Siya po kasi ang higit na naging apektado
dahil sobra po silang close.
Ito ang pagbabagong naganap sa buhay ko mula nang
tangapin ko sa buhay ko ang ating Panginoong Jesus. Nawa po ay maging
blessing ako para sa iba.
Magandang gabi po at GOD BLESS YOU ALL!
No comments:
Post a Comment